Monday, August 25, 2008

Sundot Kalikot ni eros atalia (Remate Monday to Friday)

Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 1, 2008

Bakit Dapat Pasalamatan ang Kartel ng Langis

Tuwing weekend, parang resulta ng lotto na inaabangan ng buong bansa ang magiging presyo ng langis at mga produkto nito. Kasi nga naman, para na ring tumatama sa lotto linggo-linggo ang mga may kartel (iilang grupo na nagkokontrol sa distribusyon at presyo) ng langis samantalang linggo-linggong talunan sa lotto ang mga drayber. Kaya kapag weekend, para na ring pila ng NFA ang mga gasoline station… matyagang nakahilera at nagpapakarga ang mga drayber para makatipid kahit papaano dahil paniguradong tataas na naman ang presyo ng petrolyo.

At kahit paminsan-minsan ay nagbababa ng ilang dolyar ang presyo ng kada bariles ng langis sa world market, hindi man lang magbaba kahit ilang sentimo ang mga kumpanya ng langis (kahit pabalat-bunga o pakitang tao man lang) dahil marami pa raw silang babawiin. Naku po! Sa kung ilang dekadang ipinamamalita ng mga kumpanyang ito na nalulugi sila, awa ng dyos ng mga tungaw, hindi pa rin sila nagsasara.

Pero, may good news, belabed riders. Dahil sa taas ng presyo ng langis, bahagyang lumuwag ang kalsada sa Kamaynilaan at mga karatig probinsya. Yung mga may kotse o pribadong sasakyan na umaaray sa kunsomo ng langis, nagko-commute na lang. Kapag kaunti ang sasakyan, kaunti ang trapik, kaunti ang polusyon, kaunti ang kotong, kaunti ang disgrasya at kaunti ang mabibiktima ng carnap. Kung magtutuloy-tuloy pa ito (na hindi naman malabo at imposibleng mangyari sa hinaharap), mukhang ilang taon pa ay pwede nang huminga nang malalim sa EDSA at pangunahing lansangan sa Maynila. Dadami ang magbibisikleta at maglalakad. Dadaming PInoy ang masusunog ang bilbil at taba, lulusog ang puso’t mababawasan ang may alta presyon, diabetis at may mataas na kolesterol. Babalik ang slogan na ‘save gas, ride a bus’ na nauso noong dekada 70. baka magkaroon din ng bagong slogan gaya ng ‘Sa ikauunlad ng bayan bisekleta ang kailangan’ ‘Para mas munlad, ugaliing maglakad’. Baka bumalik ang kalesa sa pangunahing lansangan. Bida na naman ang kwentong kutsero. Dahil dadami ang kabayo na may hilang kalesa sa lansangan, dadami ang ebak ng kabayo na pwedeng ipunin at gawing pataba.

Sa mahal ng krudo, wala nang masyadong bangkang de motor na papalaot para mangisda. Hindi na rin madudumihan ng gasolina at gamit na krudo ang dagat. Dahil kaunti ang mangingisda, hindi masyadong mabubulabog ang isda, muling makapagpaparami ang mga ito.

Sa mahal ng krudo, magmamahal ang kuryente. At dahil mahal ang kuryente, maraming magtitipid. Hindi na masyadong magbubuga ng usok ang mga pagawaan, planta at establisyemento. Dahil wala nang magsu-supply ng bakal, kahoy at semento, mapipigilan ang kumbersyon ng mga lupang agricultural na gagawin sanang subdibisyon, industrial park, golf courses at iba pang makapanira-sa-kalikasang proyekto.

Tingin ko, dapat nating ipagpasalamat ang pagigiging gahaman sa tubo ng mga kumpanya ng langis particular ang may kartel ng langis. Dahil sa kanilang ginagawa, hindi nila alam na magdudulot ito ng pangmatagalang kabutihan at kahusayan sa bayan.

Teka nga pala, masarap bang magprito ng taong ganid sa tubo gamit ang bio diesel? Nagtatanong lang po.

































Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 4, 2008


Hugas-Bigas




Walang krisis sa bigas! Pero yung dating PhP 25/kilo, PhP 52 na ngayon. May sapat na bigas na tatagal sa loob ng tatlong buwan, pero matapos pumila ng ilang oras para makabili ng NFA, uuwing luhaan ang pobreng inula’t inaraw sa pila.

Bakit ba tayo nagkakaproblema sa bigas? Nasaan ba ang bigas? Paano magkakabigas? Naku, simpol aritmetik lang po.

May ilang solusyon ako para magkaroon ng regular na suplay ng bigas o di kaya’y laging may bigas na maisasaing ang pamilyang Pinoy:

1. eleksyon- kapag may eleksyon, katakot-takot na bigas ang ipinamumudmud sa mga bara-barangay. Kapag sinuswerte pa nga, minsan ay may kasamang ilang paketeng noodles at isa o dalawang latang sardinas na may bonus pang kalendaryo na nandoon ang pagmumukha ng kandidato. Kaya dapat, gawing kada ikatatlong na buwan ang eleksyon sa pagka-Kapitan ng Barangay, kada kalahating taon sa pagka-Mayor at konsehales, taon taon sa pagkakonggresista, isantaon at kalahati sa pagkagobernador, tuwing ikalawang taon sa senador at kada ikatlong taon ang pagka-Presidente. Magpapang-abot-abot na ang mga pulitikong may ginintuang puso sa pagtulong sa mahihirap sa pamamagitan ng kaloob na bigas at kaunting de lata’t noodles.
2. kalamidad- kapag idineklarang nasa state of calamity ang isang bayan, lunsod o probinsya, abot-tenga ang ngiti ng mga politiko. Mantakin nyo, pogi points sa mga politiko ang pamumudmod ng bigas at kaunting grocery sa mga nasalanta ng kalamidad. Kaya dapat, wag lang hindi umambon at bumaha hanggang bukong-bukong, magdeklara na ng state of calamity. Kapag matindi ang init ng araw at tagtuyot ng mga sinampay na damit, deklara na agad ng state of calamity. Kapag may kahit isa lang dinapuan ng dengue o polio sa isang bayan, lunsod o lalawigan, deklara na agad.
3. operation tanim- dapat, sa halip na kung anu-anong halaman at puno ag itinatanim sa mga island at bangketa sa kalunsuran at highway, palay na lang ang itanim. Sa mga eskwelahan, parke’t pampublikong lugar, sa halip na ornamental plants ang nakatanim sa plot garden at paso, dapat palay na lang. Isipin nyo na puno ng palay ang Luneta at iba pang parke kesa sa mga halamang puro ornamental lang. Pwede ring taniman ng palay ang ilalim ng LRT at MRT. At i-convert ang lahat ng golf courses sa palayan. Mas accessible pa sa tubig (laging may tubig ang golf courses) at transportasyon kung sa golf courses itatanim ang palay. Dapat magpasa ng batas na ang malalaking sementeryo ay taniman ng palay at sa halip na ornamental na halaman ang nakatanim sa paligid ng nitso, aba’y mas makikinabang ang mga buhay sa palay. Balita ko, mas mataba ang lupa sa sementeryo kesa sa kung saan-saang lugar lang.
4. batas-bigas- bawal na dapat ang rice all you can, mga kakanin na gawa sa bigas gaya ng puto, suman at iba pa. Ipasara ang mga establisyementong may left over ng kanin at patawan ng parusa (pwede na ang sapilitang pagpapatrabaho sa bukid at palayan) ang mga pamilyang napapanisan ng kanin sa kaldero. Bawal na ring ipansaboy sa bagong kasal ang bigas.


Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 5, 2008

Kung Papatayin Kita, Magkano Ka Kaya?

Si Petot, nasagasaan ng lasing na anak ni Congressman, binayaran ng PhP 30,000. Si Mang Kadyo, nahulog mula sa ika-30 palapag sa pinagtatrabahuhang building sa Makati, binayaran ng PhP 50,000. Si Aling Iska, labanderang binugbog hanggang mapatay ng asawa ni Senador (dahil namantyahan ang paborito nitong panting may burda ni Mickey Mouse), binayaran ng PhP 100,000. Si Kikay (napagkamalang lider-aktibista), dinukot ng mga militar, tinortyur matapos gahasain (e, na-Wow Mali pala ang mga militar), inareglo sa halagang PhP 75,000.

Naku, bakit ang mura naman ng buhay ng tao? E, kung tutuusin higit pa rito ang halaga ng buhay ng tao. Wag na nating ibilang kung magkano ang kaya nyang kitain at maitutulong sa pamilya, kamag-anak, kaibigan, buwis sa gobyerno at kung kanino pa man. Ang kwentahin natin ay kung magkano talaga ang tao.

Eto po ang halaga ng tao batay sa bawat parte (sa balck market pa lang po ang mga ito):

• Kidney (bato) – Kung sa Amerika o Britanya ka magbebenta ng atay, aabot sa $ 500,000 (mga PhP 25,000,000 yun ha?). Kaso kung dito sa Pinas, mga PhP 300,000.
• Liver (atay)- Umaabot sa Europa at Amerika hanggang $1,000,000. Sa China, $20,000. Sa Pinas, mga PhP 500,000.
• Cornea (mata)- Sa China, $30,000; sa Pinas PhP 200,000.
• Pancreas (lapay)- Sa China, $5,000; sa Pinas, mga PhP 100,000.
• Knee Cap (tuhod)- Sa Pinas na lang, umaabot na sa phP 200,00 ang bentahan.
• Ngipin- alam nyo ba na binabayaran ang ngiping binubunot ng mga estudyanteng nag-aaral ng pagka-dentista? PhP 100-200 bawat isa. Kumay 20 ngipin ka, may PhP 2,000-4,000 kang makukubra.
• Dugo- naibibili rin ang dugo mula Php 200-500 kada bag. Makakakuha ka ng mga 20 bag sa tao. Kaya, aabot din yun ng mga PhP 4,000-10,000.
• Bone Marrow (utak sa buto)- (masarap sana sa bulalo, supsupin, sundutin at isawsaw sa to, kalamsi’t sili), nagkakahalaag ito mula PhP 150,000-250,000.
• Bangkay- ipinagbibili rin nga pala ang mga bangkay para pagpraktisan (sa ngalan nga naman ng siyensya) mula PhP 20,000- 50,000.

Ilan lang po ang mga ito sa halaga ng mga bahagi ng tao o ng tao mismo. Kaya, dapat, muling balikan ng mga mambabatas ang halaga ng pagbabayad ng mga nakapatay sa pamilya ng mga biktima. Dapat kwentahin ngayon kung magkano talaga ang halaga ng tao sa black market at yun dapat ang bayaran.

Ngayon, kung gusto nyong pumatay ng tao, maghana ng malaki-laking halaga. Hindi ka nga lang pwedeng pumatay ng mga politiko. Kasi hindi lang mahal ang kanilang spare parts, matagal nang nakasanla ang kanilang kaluluwa kay Satanas. Presyo ng kanilang kaluluwa? Pinag-uusapan pa lang.



Sundot-Kalikot
Eros Atalia
#4

Kung Paanong Masasakop ng mga Pilipino ang Buong Mundo

‘Gaya-gaya, Puto Maya’ daw tayong mga Pinoy. Kung ano ang ginagawa ng mga Amerikano, ginagaya natin pero madalas sablay naman.

Demokrasya daw ang diwa ng mga Kano. Ginaya natin. Yun nga lang, demonyokasya ang nangyari. Laging naka-Amerikana ang mga Kano, ginaya natin kahit na ang Pilipinas ay kapitbahay lang ng impyerno, ayun, pinagpawisan si Noypi mula anit hanggang talampakan. Ingglesero ang mga Kano (kasi nga Kano sila), ginaya natin, ayun, hindi tayo marunong mag-Filipino, hindi rin marunong mag-Inggles. Resulta? Parang sinangag na sinabawan ng softdrinks. Sinakop ng mga Kano ang buong mundo bilang boss. Sinakop natin ang buong mundo, bilang alipin. Panalo talaga ang Pinoy.

Pero pwede pa nating samantalahin ang oportunidad na ito para masakop ang buong mundo. Hindi ba’t ang Pinoy ay matatagpuan saan mang sulok ng mundo mula sa NASA (yes, daming Pinoy sa NASA), White House, Buckingham Palace, palasyo ng Saudi, Brunei hanggang sa mga sulok-sulok ng New York at Hongkong? Maging sa mga yungib at kweba ng Africa, disyerto at dagat, may Pinoy. Hawak ng Pinoy ang mga vital installation, information at communication.

Kaya ganito ang dapat gawin ng pamahalaang Pinas para masakop ang buong mundo.

Bago paalisin ang sinumang Pinoy para magtrabaho o mag-migrate sa ibang bansa, dapat dumaan sa masalimuot na medical examination. At sa examination na ito, pasimpleng babaunan o tataniman ng bomba ang katawan ng Pinoy. Kung kaya ng teknolohiya natin ang mind control (relihiyon pa lang yata ang may kaya nun sa ngayon, napalulundag, napapasirko, napagbabaligtad ng payong, napapaiyak at nagpapa-hold up ng walang palag ang mga kasapi), mas okay.

At sa isang tiyak na panahon, sabay-sabay na pasasabugin ng gobyernong Pinas ang mga Pinoy na nasa ibang bansa. Bagsak ang gobyerno ng mga bansang mauunlad. Lalong maghihirap ang mga bansang naghihirap. Titigil ang suplay ng langis (dahil patay na ang mga marinong Pinoy na kadalasang trupalante ng malalaking oil tanker). Mamamatay ang mga naghihingalong matanda sa mga ospital sa iba’t ibang bansa. Mamamatay sa gutom ang mga batang inaalagaan ng DH. Mamamatay sa dumi ang mga nakatira sa bahay na pinaglilingkuran ng mga DH sa mayayamang pamilya sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dedbol din ang mga negosyanteng ganid sa laman at kita na nambibiktima ng mga Pinay/Pinoy sa sex slavery, human trafficking, drug trafficking at child labor. Magkakagulo ang mga classroom sa iba’t ibang bansa na may Pinoy na teachers. Titigil ang makinarya sa agrikultura pinaaandar ng mga Pinoy sa New zealand, Japan, Australia at mga bansang yumayaman ang mga magsasaka (dahil sa Pinas lang naman yata naghihirap ang mga magsasaka).

Hindi ba’t ito ang pangarap ng gobyerno na kilalanin ang mga Pinoy sa buong mundo? Worldclass Pinoy. Globally competitive Pinoy. At kapag nangyari ang lahat ng ito, kapag naialay na ng mga Pinoy ang kanilang buhay para masakop ng Pinas ang buong mundo, pwede nang tawaging bayani ang mga OFW.

Mabuhay ang OFW! Mabuhay ang gobyernong Pinoy!


Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 7, 2008

Kelan at Saan Tayo Natuto ng Tsismis

Sabi ng ilang nakausap ko, maituturing daw na tsismis ang tsismis kapag pinag-usapan ang buhay ng ibang tao at ang taong iyon na pinag-uusapan ay wala para kumpirmahin o pasinungalingan ang pinag-uusapan, wala ang taong iyon na pinag-uusapan para idepensa ang sarili. Hindi naman sinabi kung dapat maganda o pangit na bagay o paksa ang pinag-uusapan tungkol sa isang tao para masabing tsismis.

Anyway, gusto ko lang alamin kung guilty lahat tayo sa pagiging tsismoso’t tsismosa. At tingin ko, bata pa lang kasi tayo, pinalaki na tayo sa tsismis. At una nating natutunan ang tsismis sa ESKWELAHAN! Sa eskwelahan, pinag-uusapan natin ang buhay ng may buhay. Buhay ng mga bayani. Mula Rizal hanggang Ninoy. Wala naman sa loob ng klasrum sina Rizal at Ninoy para patunayan kung tama o mali ang pinag-uusapan. Wala doon ang mga bayani para idepensa ang sarili laban sa bintang o bansag sa mga ito. Duwag daw si Rizal. Matapang daw si Bonifacio. Traydor daw si Aguinaldo. Pasista’t diktador daw si Marcos. Bayani daw si Ninoy. Lahat ng ito ay pinag-uusapan ng mga teacher at estudyante sa loob ng classroom pero ang mga kawawang bayani, hindi binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Kung nasaan man ang kaluluwa ng mga ito, walang kalaban-laban na araw-araw na pinag-uusapan ang mga ito (hindi kaya nakakagat ng mga bayani ang kanilang dila sa kabilang buhay?). paglabas ng mga bata sa school, nakupow, awayan to the max ang mga bata. Kanya-kanyang manok:

Petot: Kay Rizal ako, ginamit ang panulat para lumaya ang bansa.
Buknoy: Weeh, yung bayani mo, bading, pabag-bago ng isip. Duwag, patakbo-takbo. Kay Bonifacio ako, matapang. Sugod nang sugod.
Tekla: Waah, sugod nga nang sugod, puro naman talo. Talon g bayani ko ang mga bayani nyo.
Petot at Buknoy: (sabay) Ba’t, sino ba ang bayani mo?
Tekla: Princesa Urduja. Di lang naisapelikula, naging animation pa.Boses pa ni Regine ang bida.

Dapat, sa bawat classroom ay may isang nakatalagang medium (sinasapian ng kaluluwa, marami sila sa Quiapo, sa halagang singkwenta makakausap mo na ang mga nasa kabilang buhay) para naman mabigyan ng pagkakataon ang mga bayani na maituwid ang pagkakakilala sa kanila. Ano nga kaya ganito ang eksena:

Rizal: (sa pamamagitan ng medium) Hindi ako bakla kahit mas marami akong sulat kay Ferdinand Blumenttrit kesa sa mga kamag-anak ko, kahit na lumaki ako na kapiling ang mga kapatid kong babae, na puro’t bulaklak ang ipinipinta ko noong bata ako.
Bonifacio: Di mainitin ang ulo ko, no. Wag kayong hahara-hara at tatamaan kayo.
Marcos: Wala sa akin ang Golden Buddha. Alam nyo kung nakanino.

Sino ngayon ang magsasabing hindi ako tsismoso?

Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 8, 2008


No Approved Therapeutic Claim

Sa dami ng sakit at polusyon sa paligid, sa dami ng sakit at problema ng sambayanang Pilipino, hindi kataka-takang nagsusulputan ang mga food supplement. Mula pampayat hanggang pampataba, mula pampaputi hanggang pampatangkad, mula sa puso hanggang sa kasu-kasuhan, mula sa diabetis hanggang hypertension. Kumpleto!

Kung gusto mong lumusog at makaiwas sa sakit, inumin o gamitin mo ang lahat ng food supplement. Gatas sa umaga, tsaa sa miryenda, kapsula sa pampasigla’t pampabuhay, pampagana sa sex at pampatalas ng memorya. Pero kung gagamitin mo naman ang lahat ng ito, hindi ka kaya ma-overdose? Ano kaya ang side effect ng lahat ng food supplement na nagsasabing walang side effect ang mga ito? Paano kaya lalabanan ang mga epekto ng maraming food supplement ?

Dyaran! Kailangan ng panibagong food supplement. Ang food supplement na ito ay lalaban sa dami ng food supplement na ininom at ginamit sa katawan. Ganito kaya ang commercial:

Duktor: Gumagamit ka ba ng food supplement? Sa dami ng ginagamit mong food supplement, posibleng may epekto na ito sa iyong katawan. Kaya, gumamit ng “Kontra Pangontra.” Nililinis nito ang mga naiwang sangkap ng lahat ng food supplement na ginamit na posibleng makapagdulot ng chemical at enzyme imbalance sa katawan. Para sa panlinis ng mga panlinis: Kontra Pangontra. No approved therapeutic claim.

Artista: Naku, ang taba ko dati. Laging nanlalata, laging matamlay. Sa katabaan, diabetic ako, nanlalabo ang mata at laging nagkaka-UTI. Hirap huminga at maglakad. Kaya maraming food supplement ang ginamit ko. Kaya lang, parang lalo akong nagkakasakit. Sabi ng eksperto sa akin, maraming naiiwang sangkap sa katawan na posibleng sa halip na makatulong ay nakapagpapalala pa. So, I decided to use “Kontra Pangontra.” For me, ito na ang mother of all food supplement. No Approved Therapeutic Claim.


Sa panahon ng maraming sakit at sa mahal ng gamot, maging ang food supplement ay nakapagpapasakit ng bulsa. Magastos magkasakit. Mas magastos umiwas sa sakit.

Teka may food supplement kaya para sa sakit ng bulsa para umiwas sa sakit at manatiling malusog/

No approved therapeutic claim.




Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 11, 2008

Shahan ang tagay? Hik!

Hanggang ngayon, hindi ko maipaliwanag ang hiwaga ng alak o serbesa. Kapag ang Pinoy lalong lalo na ang kalalakihan ay nagkita-kita sa isang lugar o nag-abot-abot sa isang okasyon, o walang magawa, kahit walang dahilan, panigurado, may isang magyayakag ng inuman. Parang korong sasang-ayon ang lahat. At dahil halos pare-parehong walang pera, magtityaga sa tagayan. Mapa-alak man o beer. Sya nga naman, para daw pantay-pantay ang nainom. Pampasarap daw sa kwentuhan ang inuman (o pampasarap sa inuman ang kwentuhan).

Pero sa pagkahilig-hilig ng mga Pinoy sa inuman, bakit kapag tagayan ay nagkakadayaan na? Hindi ko rin maintindihan na kung talagang masarap ang inuman, bakit may pulutan na pampaalis ng umay sa lasa ng inumin? Tapos, kakantyawan yung matagal tumagay (magtagal na suso, wag lang sa baso). Ngunit, datapwat, subalit… kung talagang masarap ang alak o beer, bakit naghihintayan o pilitan pa sa tagay? At ang panalo, wala pa akong nakitang inuman na nagsuntukan ang mga nag-iinom dahil nag-agawan sa tagay. Kasi ang madalas kong makitang nagpapatayan sa inuman ay dahil lamang sa dayaan ng tagay.

Lasenggero 1: Kanina pa yan, sino na ba?
Lasenggero 2: Taas naman (nagrereklamo kahit hindi naman sya ang tagay).
Tanggero: Kaninong tagay na? Tapos na ako.
Lasenggero 3: Uy, di ka nagpaalam na tagay mo na, sa iyo ulit.
Tanggero: Kaninong tagay na? Sa iyo na ba pare?
Lasengero 4: Tapos na ko.
Lasenggero 5: ‘Ba, tapos na rin ako.
Lasenggero 1: Ba, tapos na rin ako. Baka sa iyo na ‘yan pare?
Tanggero: Ba, kaka-shot ko nga lang.
Lasenggro 3: Shinat mo, di ka nagpaalam.
Tanggero: Bakit, dinadaya ko ba kayo sa tagay?
Lasenggero 3: Ikaw may sabi nyan.
Tanggero: A, ganoon, ha?!
Bukas, ganito ang headline: Dahil sa tagay…tatlo patay, tatlo kritikal.

At syempre, lahat ng tatanungin mo ng “Lasing ka na yata pare ha?” Wala pa akong narinig na umamin. Halos lahat ay nagsasabing, “Kaunti lang, hindi pa, may tama lang…”

Andami ko nang nakikitang sumusuka’t umiihi… nang hindi tumatayo.



Aminin man o hindi ng manginginom ay hindi talaga masarap ang alak o beer. Kung talagang masarap ito, sana, ipinansasabaw na ito sa sinaing, sa sinigang o nilaga. Pero ano nga kaya’t kung ang alak o beer ay kasinsarap ng paborito mong softdrinks o fruit juice? Baka nagkandaubos na ang tao sa mundo.Yun nga lang kahit kasumpa-sumpa ang lasa, andami pa ring nagiging sagupa sa alak. Kinakapalan ang mukha na dumaan-daan sa inuman para matawag at sa gayon ay masayaran ng alcohol ang katawan. Natatanggal sa trabaho, umiihi sa aparador (kala ng lasing, cr), nanghahamon ng gulo, natutulog sa gate (dahil ayaw papasukin ni kumander), nagagahasa at nanggagahasa, napapatay at nakakapatay… ano pa kaya kung napakasarap itong inumin?

Hik!


































Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 12, 2008

Ang Astiging Tsina

(Beijing Connection Meets Manila Dislocation)


Sa Beijing gagawin ang Olympics. Hindi na siguro tayo dapat magpaliwanag pa kung bakit kaya ng bansang Tsina ang mag-host ng napakalaking pagtititipong ito na minsan lang nangyayari kada apat na taon. (kelan kaya magho-host ang Pinas ng Olympics? Kapag siguro hindi na uso ang sports)

Astig ang Tsina. Sabi nga, sila lang daw yata ang kayang pumalag sa mga Amerikano sa ngayon.

Sinisisi ng daigdig ang Tsina ngayon dahil sa lakas nitong gumamit ng langis, bakal, papel at kung ano-ano pang mga hilaw na materyales dahil sa pagsikad ng ekonomiya nito. Sila rin ang sinisisi sa pagkaubos ng dolyar sa world market. Ang krisis daw ng daigdig ay dapat isisi sa Tsina (hugas kamay ang mga Kano)

Alam ng China kung gaano sila kaastig ngayon. Kaya siguro, binu-bully tayo pagdating sa usapin ng Spratly Islands. Oo nga naman, anong magagawa ng isang Third World Country na kagaya ng Pinas sa higanteng China? Tingin ko, kahit hindi na tayo gamitan ng mga ito ng kanilang sopistikadong mga armas pandigma… kung gusto nila tayong gyerahin o sakupin… no sweat para sa kanila.

Kung pupunta silang lahat dito (mga 1.8 bilyon lang naman sila) ano kaya ang gagawin ng mga Pinoy? Paano tayo lalaban?

Kung ang 1.8 bilyong tao ay sabay-sabay tatalon sa ating baybayin… hindi kaya maging sanhi sila ng tsunami na lulunod sa atin?

Kung ang 1.8 bilyong tao ay sabay-sabay na iihi ng isang baso, hindi kaya tayo malunod sa panghe?

Kung ang 1.8 bilyong tao ay sabay-sabay uutot, hindi ba’t magliliyab ang Pilipinas sa isang iglap?

Kung ang 1.8 bilyong tao ay lalaban sa atin na kamao lang ang kanilang gamit, may 1.8 bilyong bala ba tayo sa gunnery? May daang milyong baril ba tayo na puputok sa oras ng pangangailangan? Kaya bang mag-supply ng Danao ng daang milyong paltik at sumpak?

Kung mano-mano ang laban, simpleng Mathematics ang sagot. 1.3 bilyong Tsino vs. 88 milyong Pilipino: Ang bawat isang Filipino ay makikipagsuntukan sa labinlimang Tsino.

At kung sakali, sa awa ng mga himala ng bathala’t lamang lupa, manalo nga tayo… bawat isa sa atin ay maglilibing ng labinlimang Tsino. Isang malaking sementeryo ang buong Pilipinas.

Pero hindi naman porket mga higante sila ay hindi na dapat pumalag ang Pinoy.Para bang may isang maton na manghaharang sa akin sa daan at kakanta ng “I need your back” o sasabihing gayahin namin ang makapigil hiningang mga eksena sa Brokeback Mountain, alangan namang ang sabihin ko lang ay “Walang problema.”

Kaya natin sigurong pumalag. Kahit hindi manalo. Yun bang kahit makakurot o makadura man lang sa kalaban bago tuluyang magulpe.

Kung meron silang Jet Lee, Jackie Chan at Bruce Lee (SLN), meron tayong Onyok Velasco, Manny Pacquia at Robert Jaworski. Wapak!




Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 15, 2008

Kontra Pasma

Natatandaan mo nyo pa ba noong mga bata pa tayo, kapag pumasok tayo ng bahay galling sa pakikipaglaro sa kalsada o kaya y kapag sinundo tayo ng mga magulang natin sa eskwelahan na basa tayo ng pawis sa pakikipaglaro, hihirit isla g ganito:

“Naku, kaw talagang bata ka, basa ka ng pawis. Yung likod mo, punasan mo muna ng pawis.”

Naku, kuntodo punas ng pawis ang mga magulang. Minsan tuloy, parang batman o superman ang mga bata, lalagyan muna ng pulbos, tapos, lalagyan ng sapin sa likod. Para hindi daw matuyuan ng pawis. O para hindi pagpawisan ang likod. At kung maliligo tayo?

“Oy, phinga ka muna, baka mapasma ka”

Bakit kasalanang mortal matuyuan ng pawis sa likod? Bakit kasalanang mortal din ang sinumang pagod o pawisan na maliligo? Kung totoong produkto ang tao ng ebolusyon, bakit hindi sumama sa ebolusyon na hindi na dapat nagkakaroon ng pores at sweat glands ang likod ng tao? Nagtataka ako sa ilan na naglalagay ng twalya, tela o dyaryo sa likod kapag pinagpapawisan. Para daw mapunta ang pawis sa sapin at hindi matuyo.Kasi kapag natuyuan ng pawis ang likod, sisipunin daw o kaya ay mapapasma. Kung totoo ito, di sana lahat ng mga katutubo sa Pilipinas na hindi nagdadamit gaya ng mga Aeta at Mangyan ay sipunin at pasmado na. Kung talagang masamang mabasa ang mga pagod, paano na kaya yung mga siklista na matapos pumidal ng ilang libong ulit at naliligo sa pawis ay saka babasain ng mga organizer at manonood tulad sa halaman nangunguluntoy o bagang dapat nang patayin? Yung tri-event athlete na natapos tumakbo’t magbisekleta ay saka naman magsu-swimming? Sana lahat ng mga soccer at football player na ulana’t arawan sa paglalaro ay nangamatay nang lahat. Baka hindi naman napapasma ang mga Amerikano kasi wala naman akong makitang translation ng pasma sa medical books? Naalala ko pa noon yung kapitbahay naming labandera (na kinuha na ng langit, balita’y nagkaroon ng tv sa likod na mahina ang reception) na magkukula ng mga puti sa katirikan ng araw. Tapos, siguro kada isa o dalawang oras, babalikan nya ang mga ito para wilig-wiligan. ‘Kala ko noon, lumalaki’t dumarami ang mga damit kapag ginaganoon tulad sa halaman. Napapasma rin kaya ang damit? Yung kalsada kapag tag-init, madalas diligan ng mga senior citizen ang mga iyun kapag tanghali at hapon. Siguro, bangong bango ang mga ito sa amoy ng alimuom.Kaya siguro kumakatok at nanginginig ang makina ng mga jeep dahil maiinit pero may katabing radiator na may lamang tubig.

Tutal, may commercial naman ng mga baby powder para manatiling amoy baby ang lahat, ‘ba, bakit kaya hindi rin magka-commercial ng higanteng disposable diaper na eksklusibong dinisenyo lamang para sa likod ng tao? Sisipispin ng disposable twalya sa likod ang pawis at itatapon na lang sa halipo na labhan pa. O kaya, malaking malaking sanitary napkin pero para sa likod. Eton na siguro ang ilan sa pwedeng gawing slogan: “Walang tagos, kahit malikot ang kilos.” “Basta’t Tuyo ang likod, sige lang ang kayod.” “Kasangga, laban sa pasma”

Siguro mas okay kung may wetness indicator din para alam na ng tao kung kelan dapat palitan.

Hindi naman ako pasmado, pero bakit pinagpapwisan ako’t nanginginig kapag papalapit sa aming tindahan ang bagong ligong katulong ng aming kapitbahay na kadalasa’y disposable diapers ang sadya? A, alam ko na, kasi, sasabihin kasi nito na:

“Manong, lista muna raw sabi ni Ate. Sa katapusna na ang bayad.”

































Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 18, 2008

Walang Kamatayang Kamatayan

“Parang kanina lang, kausap ko pa yan ha?”

“Nagtetext pa nga kami nya kahapon, eh”

“Mabait yan ha? Tsk! Tsk! Tsk!. Buhay nga naman, hindi mo masabi.”

Ilan lang ito sa madalas nating marinig kapag may nadededbol. Lalo na kapag hindi inaasahan. Ganito lang daw talaga ng buhay, una-unahan lang (kung gusto nyo pong mauna, okay lang po, hindi po ako nagmamadali).

Kapag ganito ang usapan, ang madalas na bida sa kwentuhan at pulutan sa inuman ay si… dyandyararan!

Si kamatayan!

May mga kinukuha daw si kamatayan kahit natutulog lang. Swerte naman ng mga yon na walang kahirap-hirap na pinitisyon. May iba nga, abot-abot ang pagtawag kay Kamatayan para lang mamatay lalo na yung may canser o sobrang malas na sa buhay pero no pansin kay Kamatayan ang mga taong ito. Tapos yung iba, natutulog lang… kinuha na. Parang unfair.

Pero kung may Kamatayan talaga, malaki ang problema ko sa kanya. Una, paano yung mga nagpapakamatay? Obligado bang sumunod si Kamatayan na kunin ang kaluluwa ng mga ito kahit wala pa sa iskedyul? Kung hindi nya kukunin ang kaluluwa ng mga ito, paano mamamatay ang mga ito? A, siguro, ito yung mga nagpakamatay pero nabigo. Nabuhay pa. Frustrated suicide.

Paano nga kaya ginagawa ni kamatayan ang ganoong kabigat na trabaho? ‘Ba, hindi biro ang mangolekta ng kaluluwa sa buong mundo. Paano kung may sabay-sabay na dapat mamatay sa halos parehas na oras-minuto-segundo at nano second? Kung sabagay, sabi ng statistics, 2 ang namamatay kada segundo. Ibig sabihin, dapat mangolekta si Kamatayan ng 1 tao kada kalahating segundo. Paano kung yung isang dapat kunin ay nasa Amerika at yung susunod ay sa Japan? Naku, siguradong mapapagod nang husto si Kamatayan nun. Siguradong lagareng Hapon sya nun. E, paano kung may maramihan ang namatay sa isang lugar? Gaya ng massacre? O kaya yung mass suicide? O kaya, yung hinulugan ng Atomic Bomb sa Hiroshima at Nagasaki? Yung biktima ng 9/11 sa World Trade Center sa New York? Napeste na. Baka tarantang bulate si Kamatayan kapag maramihan na ang dapat nyang kuhanin. Hindi kaya sya nagkakamali? Paano kung nakuha nya yung wala sa isked? Ibabalik na lang.

Kaso paano kung ang instrumento ng pagpetisyon ay pagpapasabog o pagsagasa sa biktima tapos nabuhay kasi nga nagkamali lang? Pag nabuhay yung biktima, wala nang paa o kamay. Bulag o kaya ay nasunog ang buong katawan. Hindi kaya hangarin ng biktimang ito na magpakamatay na talaga? Halimbawa yung bulag ay tumawid sa kalsada. O kaya yung nasunog ay uminom ng lason. Pero problema pa rin. Paano kung isnabin ni Kamatayan ang kanilang pagpapakamatay? Lalong napeste. Kasi yung bulag, napilay pa. Yung nasunog, nalantang gulay pa. Kaya dapat pag nag-suicide, wag isnabin ni Kamatayan.

Kung totoo man si Kamatayan, gusto kong wag nya munang kukunin ang mga pulitiko pagkababait po talaga. Hayaan nya muna sanang mabuhaya ang mga ito ng matagal na matagal na panahon. Sana umabot ang mga ito ng lampas 200 y.o. Yung may puno na ng kawayan sa likod, yung may kabute na sa braso at may baging na sa dibdib.

At sana, hindi ko msaksihan ang mga ito. Peace Kamatayan!



Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 19, 2008

Pili na mga Suki!


Sabi ng isang pelikula, (Matrix yata yun, ayon kay Morpheus), ang pamimili hindi laging nangangahulugan na may pagpipilian ka. O malaya ka. O ikaw ang nasa control. Depende kung sino ang gumawa ng pagpipilian. Depende kung sino ang nagpapapili.

Halimbawa, nakaposas ka at nasa gitna na ka ng kagubatan (na kahit maghihiyaw ka ay walang ibang kaluluwang makakarinig sa iyo maliban sa mga lamang lupa) tapos may mga sundalong nakapalibot sa iyo at ang itatanong ay: Saang bala gusto mo mamatay, .38 o .45?

O kaya, may trigger happy na tumutok sa iyo ng baril sa baba at tinanong ka ng: “Gwapo ba ako o magandang lalake?”

Sa buhay nating ito, may mga bagay na kailangan mong pumili pero parang wala kang pagpipilian at may mga bagay na kailangan mong pumili pero anumang pilin mo, ikaw pa rin ang talo.

Paano ka kaya pipili sa mga ito (kung may kakilala kang kahawig o katulad sa mga nasa ibaba, mamili ka, sarilinin mo na lang o ikwento mo lang sa sarili mo):
1. Walang tulog o walang gising
2. May dugo ang tae mo o may tae ang dugo mo
3. Ulam na amoy sabon o sabon na amoy ulam
4. May tae sa pwet o may pwet sa tae
5. May tigyawat sa ilong o may ilong sa tigyawat
6. May buhok sa ngipin o may ngipin sa buhok
7. May dugo ang iyong ihi o may ihi ang dugo mo
8. May dugo ang dura mo o may dura ang dugo mo
9. May appliances na walang kuryente o may kuryente na walang appliances
10. Walang kang matirhan pero meron kang makain o wala kang makain pero meron kang matirhan
11. Traffic enforcer na bulag o traffic enforcer na walang kamay
12. Mabait perong bobong politiko o matalino pero walanghiyang politiko
13. Politikong asal hayop o hayop na asal politiko
14. Artistang nagpupumilit maging politiko o politikong nagpupumilit maging artista
15. Religious leader na nagpupumilit maging politiko o politiko na nagpupumilit maging religious leader
16. Atletang nagpupumilit maging politiko o politikong nagpupumilit maging atleta
17. Politikong endorser ng produkto o produktong endorser ng politiko
18. Walang eleksyon pero may kandidato o walang kandidato pero may eleksyon

Ilan lamang ang mga ito sa mga pinag-iisipan kong pwedeng ipasa sa inyo ang desisyon para mamimili. Kasi sawa at pagod na akong pag-isipin kung ano ang pipilin ko. Hindi nakayanan ng powers ko na pumili.

Gaya rin ng pagpili ng mga lider natin, dahil sila-sila rin ang tumatakbo, magkakamukha, magkakatunog na apelyido’t pangalan, kahit gusto mong humanap ng iba, wala kang pagpilian. Sabi ng ibang matanda, wag daw hanapin ang wala. Kaya ka nga naghahanap, kasi wala nga. Ang pipiliin natin, kadalasan, hindi talaga yun ang gusto natin. Napilitan lang tayo. Kasi nga, wala nang pagpipilian. Kesa iba pa ang pumili para sa atin. At sa pagkahira-hirap ng prosesong pinagdaanan natin para pumili, pare-parehas din pala ang lahat. Pwe!

Hay naku mga suki, hala pili na.
































Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 20, 2008

Mga Bagay na Gusto Kong Makita sa Near Future



Hindi na ako nangangarap sa malapit na hinaharap na magkaroon ng LRT mula Batanes hanggang Jolo o magkaroon ng signal ng cellphone sa lahat ng sulok ng bansa (sa maniwala kayo’t sa hindi, minsan pumasok ka lang ng kubeta na bibit ang cellphone mo, parang hinihigop ng mahika ng inidoro ang signal ng high tech mong kagamitan kaya’t gaya ng ebak mo, gusto mo na ring i-flush ang celphone mong walang silbi). Hindi na rin ako nangangarap na wala nang trapik sa Metro Manila at hindi na ako magbabayad nang sobra-sobra sa kuryenteng hindi ko pa nagagamit ay sinisingil na ako. Sa daming kasawiang napakinggan ko, ang isa sa pinakamatinding aral na natutnan ko ay “hindi masama ang mangarap, basta’t wala ka lang sa Pinas.”

Kaya sinimplihan ko na lang. Yun na lang kayang abutin ng imahinasyon ko.

Gusto kong makita sa malapit na hinaharap na lalagyan na rin ng “How’s My Driving” ang mga sumusunod na sasakyan: LRT at MRT, pison, ambulansya, trak ng bumbero, karo ng patay at tsubibo.

Gusto kong makita sa malapit na hinaharap na ang malalapad na lansangan sa Pinas ay may nakatusok na mensaheng “Keep your feet off the garbage.” Tapos, may mga mensahe sa pader na “Bawal umihi ditto, umebak pwede.” O kaya sa national road ay may ganito: “Walang Tawiran, Wala na Kasing Kalsada.”

Pinapangarap ko rin na sana balang araw, hindi na tayo magbabayad ng system lost sa kuryente kasi wala nang kuryente dahil sa sobrang taas ng presyo ng langis, walang magamit na bio fuel dahil walang lupang mapagtaniman, walang lupang mapagtaniman kasi wala nang bakanteng lupa sa Pinas at lahat ay pag-aari na ng iilang pamilya na may kinatawan sa Kongreso na hindi pumirma para palawigin ang Comprehensive Agrarian Reform Program.

Umaaasa ako na balang araw, hindi na tayo magbabayad ng buwis. Kasi, yung sweldo natin ay buong buo at awtomatikong mapupunta sa gobyerno. Tapos, pipila tayo sa munisipyo tuwing akinse’t katapusan para kunin ang allowance para sa loob ng kinse diyas.

Nangangarap din ako na hindi na magkakaroon ng marahas at maduming eleksyon. Kasi, wala nang halalang ginaganap. Ina-appoint na ng mga politiko ang kanilang mga sarili sa loob ng ilang taon at pwede namang ipasa sa kamamilya’t kamag-anak ang kapangyarihan nang sa gayon ay makatipid ang bansa sa malaking gastusin tuwing eleksyon.

Sa near future, gusto kong makita na wala nang pamilyang masisira dahil kinakailangang mangibang bayan ng mga magulang para lang mabuhay nang disente ang kanyang mag-anak. Dahil gobyerno na nga ang mangangalaga sa bawat pamilya sa pamamagitan ng rasyon ng pagkain at tubig. Kanya-kanya na ang diskarte sa edukasyon. Ang layunin lang ng gobyerno ay dapat matuto ang bawat Pilipino na maisulat ang pangalan at makabilang hanggang isandaan. Dahil ang sweldo ng bawat Pilipino ay diretso an sa gobyerno, ang bawat Pilipino ay tatanghaling buhay na bayani. Kapag namatay, may bandera ng Pinas sa ibabaw ng bangakay (hindi pwede ang kabaong, mahal) at ililibing sa pinakamalapit na garden ng mga mayayaman para maging pataba sa lupa.

Sa ganda ng mga nangyayari sa Pinas, hindi ko maisip na mangibang bayan. Hindi ko maisip na wala nang ibang bansa pa ang higit na dadakila sa Perlas ng Silangan. Sa malapit na hinaharap, hindi na ako nangangarap ng mga imposible. Kung ano na lang ang nagyayari ngayon, medyo isagad mo pa nang kaunti, tiyak na iyon ang mangyayari sa hinaharap.

Kaya belabed riders, samantalahin nyo na ang pagkakataong mangarap ngayon. Libre lang yan. Bukas na ang singil.

Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 21, 2008

Reality Show (kuno)

Usong uso ngayon ang mga reality show. Kung ano-anong pautot ang pasabog ang naiisip ng mga network para lang mapansin ang kanilang ibinbentang reality show. May reailty show para sa pagtuklas ng marunong kumanta, marunong umarte, marunong magtrabaho at kung ano-ano pang karunungang parang mahirap matutunan sa tunay na buhay. At may isang reality show na hindi ko alam kung anong talent ang hinahanap.

Sa reality show na ito, ang mga kasali ay pawang mga artistahin, ang ilan ay Ingglisero’t Ingglisera. Mapuputi’t makikinis. Kung magpasok man ng kulay kayumanggi at hindi kahusayan at katalinuhang mag-Inggles, ginagawang kenkoy ang karakter. Tapos, linggo-linggo, hihingi sila ng boto ng manonood kung sino ang gusto nilang maiwan. Ang paghingi ng botong ito ay katumbas ng milyon-milyong pisong kita ng mga network. Malinaw na kita. Nagkukubli nga lang sa pautot na iniiwan sa manonood ang pagpapasya. Na kunwari, manonood ang mga makapangyarihan. Na kunwari, manonood ang pasya. Pero sa totoo lang, nang-uuto ang mga network na ito na bumuto tayo para kumita sila.

Bakit hindi totoong tayo ang nagpapasya?

Sapagkat, sa simula pa lang, sila na ang pumili ng mga karakter na isasama sa reality show. Yung alam nila na pagkatapos ng kanilang pakulo ay tatangkilikin pa rin ng mga tao. Na paglabas sa bahay-bahayan ay may mag-aabang na commercial/product endorsement, pelikula, soap o telenobela. Wala tayong makikita sa reality show na ito na magbabalot, magtataho, tindera ng isda’t gulay sa palengke, pedyak drayber, construction worker at labandera.

At anong talent ang hinahanap natin sa mga kasali sa reality show na ito? WALA. Kaya, kung ano-ano ang ipinapagawa ng di nakikitang diyos-diyosan sa mga karakter. Kesyo gumawa ng apoy. Kesyo limasin ang swimming pool gamit ang timba. Kesyo magbigay ng party kay ganito at kay ganyan. Kesyo magpinta gamit ang katawan. At kung ano-ano pang kaeklatan. Sa mga taong walang magawa, ang kahit anong gawin ay nagkakaroon ng halaga.Sa mga panahong walang ginagawa, nakahilata ang mga tauhan. Hindi ganito ang totoong buhay. Sa totoong buhay, ang walang ginagawa, namamatay nang nakatunganga. Namamatay nang dilat ang mga mata sa gutom. Palibhasa sanay sa buhay burgis ang mga ang mga karakter, okay lang na di magbanat ng buto. May dumarating kasing pagkain. na pinalabas. Sa karakter ng reality show na pinalabas, may sasalubong na fans at siguradong television exposure. Hindi ganito ang totoong buhay. Ang pinalalayas, nag-iiyak, kasi walang matuluyan at walang trabaho. Sa reality show, ang pinalayas, umiiyak din. Kasi, may naghihintay na katakot-takot na pera pag labas.

Sa barya-baryang pang-uuto sa masang Pinoy, katumbas nito ay milyon-milyong pisong tubo ng network maliban pa sa mga commercial at endorsement sa mismong reality show. Sa barya-baryang pang-uuto, mukhang ipinagkikibit-balikat lang natin ang lahat. Sasabihin natin, ‘hm, barya-barya lang naman, hayaan mo na.’ Pero, kapag hindi nasuklian ng singkwenta sentimos sa jeep, kulang na lang hamunin ng suntukan ang drayber.

Sa barya-baryang pang-uuto ng reality show, sino ba talaga ang nagpapasya? Sa barya-baryang pang-uuto, sino ba talaga ang makapangyarihan? Sa barya-baryang pang-uuto, sino kaya talaga ang nasa realty show. Reality check! Lagot ka. May nagmamasid sa ‘yo.







































Sundot kalikot
Ni erso atalia

Remate Agosto 22, 2008

Ang Bagong Reality Show

Dahi uso ngayon ang reality show (maliban sa makakatuklas ang mga network ng bagong artista, mamatay-matay pa sila sa pagbibilang ng kita), parang gusto ko na ring gumawa ng sariling reality show.

Pero dahil wala naman akong bilyong piso para magbuo ng sarili kong network (ano nga kaya ang magandang channel at station ID? hmm. Ch 69, Kauso, Pintatutunayan, Walang Pinaniniwalaan, Pauso Lang),magsa-suggest na lang ako ng pwedeng gawing reality show.

Pinoy Big Trouble- ito ang reality show ng lahat ng mga convicted criminal na nasa maximum security compound ng New Bilibid Prison. Panoorin ng sambayanan kung paano mabuhay ang mga taong wala nang kabuhay-buhay at habambuhay na pinagkaitang mabuhay sa totoong buhay. Magte-text ang mga viewer kung sino sa mga convict ang unang magsisimula ng gulo. Txt promotor_name of the promotor and send to 911. May tsansang manalo ang lucky texter ng 2 weeks na libreng tira sa Pinoy Big Trouble House.

While You Were Sleeping- bagong reality show concept ko ito, papanoorin natin ang lahat ng mga pasyanteng comatose, yun bang mga ilan taon nang nahihimbing. Nakatutok ang 32 camera sa mga ito sa iba’t ibang anggulo, at may 24 hour na commentator at analysis ng heart rate at taas-baba ng presyon ng dugo pati ang brain wave. May promong text din dito. Ite-text ng mga viewer kung sino sa mga na-comatose ang unang magigising. Text gising_name ng coma patient send to 777. Ang mananalo texter ay bibigyan ng malaking break sa telebisyon. Sya ang gagawin kauna-unahang normal na tao na isasailalim sa comatose.

Sa Bahay ng Salat-Salat--reality show ito na lilibot sa mga bahay-madyungan. Yung mga magdamagang naglalaro ng madyong ang mga bida. May pa-contest ang network. Ite-text nila kung sino sa mga player ang may pinakamaraming beses tumayo para dyuminggel at ang player na pinakakonting beses dyuminggel. Pwedeng i-text ang salat_lesstayo_pangalan ng player or salat_moretayo_pangalan ng player at ipadala sa 1234567 (iskalera). Ang mananalo ay magiging opisyal na tagahalo ng pitsa ng madyong para makapag-unat-unat naman ang mga player.

Tutok-Itlog, Titig Manok—para naman sa mga sabungero, mahihilig sa manok at animal lover ang reality show na ito. Nakatutok ang mga camera sa mga inahing bagong itlog. Mga isandaang inahin. Tapos, kapag malapit nang mangitlog na ang mga ito, pahuhulaan sa mga viewer kung sino sa mga inahin ang unang mapipisaan ng itlog. Tapos, pwede pa ring hulaan kung alin sa mga itlog ng inahin ang unang mapipisa. Ganito ang text: type- itlog_numero ng itlog at i-send sa 0000000000. Pangalawang promo sa text: i-type ang: nangitlog_pangalan ng manok at ipadala sa 000000000000000000000. Ang lucky texter na tama ang hula ay mananalo ng isang taong supply ng itlog at tatlong taong supply ng balat ng manok.

Hindi ba’t exciting ang reality show na naiisip ko. Naku belabed riders, wag kayong mag-alala, marami pang susunod. Abang-abangan lang. Ito ang anay sa bahay ni kuya ang nagsasabing sa bawat pagsubok ng panahon, ang buhay ay walang kabuhay-buhay! Pwe!
Sundot Kalikot 15

Paano Magpaibig ng Babae

May kaibigan akong desperadong magkasyota. Malapit na kasing umabot sa liyebo 40, pero zero syota pa rin. Kasi nga naman daw, nakailang tangka na syang manligaw, pero pumoporma pa lang daw sya, basted na sya agad. Matanong pa nga lang daw sya ng celphone number, ‘magma-madre kasi ako’ ang agad na sagot sa kanya. Ito yung mga nililigawan nya raw na halos ipagtirik nya ng kandila’t ipagmisa sa lahat ng simbahan. Umabaot na raw sya sa pagsangguni sa mga batikang manggagawa ng gayuma. Pero ‘la daw epek. Lagi na lang daw syang luhaan. Lagi na lang daw syang sugatan. Talunan. Tinignan kong mabuti ang kaibigan ko, wala akong masabi. Kasi naman, kalahating paligo lang ang lamang ng gandang lalake ko sa kanya.

“Masyado namang ‘tong seryoso. Masyado ring desperado. ‘Ba, baka sa burat nito sa buhay, isang araw ay pumasok na lang ito sa simbahan na may nakakabit na bomba sa katawan. Kawawa naman ang mga pulis na magiging abala sa pagpapares-pares ng aming katawan. Imadyinin na lang na may tatlumpung jigsaw puzzle na pinagsama-sama ang lahat ng piraso tapos saka bubuuin. Kaso, nagkate-kate itong magtanong kung anong mabisang gayuma. Umandar na naman ang katarantaduhan ko. Ayokong isnabin. Pero ayoko ring sagutin nang diretsahan. Sabi ko, eto na lang ang gawin nya:
1. Palihim syang kumuha ng picture ng babaeng gusto nyang mapasagot. Kapag na-develop na, itali nya ito sa labintatlong pulgadang itim na kandila. Sindihan ang kandila pag sapit ng alas dose ng gabi ng Byernes. At habang nagniningas ang kandila, banggitin nya ang orasyon na “Akinanin Pekpekanin”. Hanggang sa maubos ang kandila kasabay ng pagkasunog picture. Kolektahin ang luha ng kandila. Durugin. Ilagay sa isang itim na kahon. Lagyan ang kahon ng pares ng 24 karat na singsing, hikaw, bracelet, anklet, kwintas, pin at hairpin. Samahan na rin ng pinaka-latest na modelo ng celphone at i-pod. Tapos, iregalo nya sa babaeng pinakamamahal nya. Tiyak na sa araw ding iyon ay sasagutin sya.Hindi nga lang garantiya kung gaano magtatagal ang kanilang relasyon. Siguro, kapag may nauso na namang bagong modelo ng celphone, baka unti-unting tumabang ang pagmamahal sa kanya ng babaeng pinakamamahal nya.
2. Sabi ko rin sa kanya, humuli ng pusang itim sa sementeryo kapag Nobyembre Uno (epektibo kapag ganitong petsa kasi tutulong ang mga namayapa nang kaluluwa sa kabilang buhay). Kuhanin ang balat. Ibabad sa langis ng niog (mas epektib kung Virgin Coconut Oil) sa loob ng labintatlong araw. Ibilad sa loob ng labintatlong araw. At sa makinis na bahagi ng balat ng pusa (yung walang balahibo), isulat sa pamamagitan ng uling ang orasyon na “Makakanarin Kitanin”. Irolyo ito (wag nya nga lang ipapakita ito sa Animal Welfare Society at baka sya pa ang susunod na bisitahin sa susunod na todos los santos) . Ipantali ang tuyong baging ng Balete. Isilid sa loob ng nirolyong balat ng pusa ang titulo ng lupa, bahay, kotse na nakapangalan sa babaeng mahal nya at bank account na hindi bababa sa kalahating milyong piso. Kung kakayanin, samahan na rin ng ilang bank notes at bond. Balutin ng pulang papel de hapon balat ng pusa. Iregalo sa kaarawan ng babaeng kanyang pinakamamahal. Siguradong mamahalin sya ng babaeng pinakamamahal nya. Malamang, sa araw din iyon ay yakagin sya ng kasal.
May alam pa ba kayong ibang paraan? Text nyo na lang. Hehehe






































Sundot 16

Sa Mga Kasapi ni Andres

May isang lumapit sa akin para humingi ng payo. Para daw sa tiyo nya ang kanyang ihihingi ng payo (pero tingin ko, para sa kanya talaga yun, ganyan naman tayong mga Pinoy, kunwari problema ng iba pero problema nya talaga) Awang awa na raw sya sa tiyo nya na hindi lang myembro ng Andres de Saya Unlimited kundi Presidente rin ng ‘Isang Dugo, Isang Awit, Isang Sigaw… Yes Darling.”Madalas daw gulpihin ang kanyang tiyo. At nakukuha pang magsugal at manlalake ng kanyang tiya. Gusto nya raw tulungan ang kanyang tiyo para gumaang naman ang loob nito. Pero hindi nya raw alam kung paano. Sabi ko, sabihin nya sa tiyo nya, subukan ang ipapayo ko:
1. Pagdating ng alas dose ng gabi, kunin ng tiyo nya ang picture ng kanyang tiya at saka tumapat sa salamin. Magsindi ang tiyo nya ng kandilang itim. Hawakan ng tiyo nya ang picture ng kanyang tiya sa kaliwang kamay at kandila naman sa kanan. Umusal ng “lekbakun pagmamahalun mu sakun” ng anim na raan at animnapu’t anim na ulit. Pagkatapos nito, uminom dapat ang kanyang tiyo ng isang basong tubig mula sa pinagbabaran ng underwear ng kanyang tiya. Tapos, kinabukasan, paggising ng kanyang tiyo, ang dapat agad nitong dapat gawin ay magsipilyo, maligo at mag-almusal. Samahan nya ang kanyang tiyo na pumunta sa pinakamalapit na psychiatrist upang patignan ang laki ng sira ng ulo nito at kumunsulta ng abogado kung magkano ang magpa-annul.

2. Hintayin ng kanyang tiyo na mahimbing ang pagkakatulog ng asawa nito. Palihim na hubarin ng kanyang tiyo ang underwear ng kanyang tiya. Budburan ang hinubad na underwear ng tuyong talulot ng sampaguita. Ilagay ang underwear sa loob ng isang sakong gawa sa telang itim. Lagyan ang sako ng labintatlong bato na kasinlaki ng ulo ng pusa. Sunugin ang marriage certificate. Ilagay ang abo sa loob ng sako. Tapos bulungan ang ng kanyang tiyo ang asawa nitong tumatarantado sa kanya ng “Harharharhar” at saka ihataw sa mukha ang sako na may laman ng labintatlong bato na kasinlalaki ng ulo ng pusa, underwear ng asawa nyang malamang ay may katas pa ng ibang lalake at marriage certificate ng mag-asawa na ginawang abo. Sa unang isandaang hataw, mapapansin ng tiyo nya na gagaang ang loob nito.. Mula 101-200 na hataw, tiyak na wala nang paglagyan ng kaligayahan ang kanyang tiyo.

Sa mga kasapi ni Andres, at sa mga gusto pang sumapi, magpaalam muna kayo sa mga kumander nyo bago kayo humingi ng payo at baka may isang kagaya kong kung anu-anong maipayo. Wait, tawag lang ako ng kumander ko. “I’m coming, darling. Yes darling.“

Holy Day

Aug 25 2008

Holiday ngayon. National Heroes Day raw. Ayoko nang itanong kung bakit. Hindi ko matandaan kung ano ang malapit na petsa na may kaugnayan sa bayani o kabayanihan. Agosto 30? Ang mas natatandaan ko ay yung Nob 30, bertdey ni Boni. Ayoko namang ukilkilin si Ate Glo...baka mabato pa ako ng lap top.

Sige tanggapin na lang. Holiday ngayon. National Heroes Day. Dinibdib ko naman. O namin, ng ilan kong mga kaguro. Nagpapakabayani ako o kami dahil pumasok ako/kami sa iskul. May memo kasi ang dekano namin na puwedeng ipagpatuloy ang nakaiskedyul na midterm examineysyon kahit holiday.

Dalawa lang naman ang sabjek ko ngayon. Major pa. Alas dose ng tanghali ang pers piryud. Muntik na akong maleyt kanina. Nag-inarte kasi yung pressure cooker. Sabi nga ni misis, dapat siya na lang ang nagluto. Ilang beses na kasing nangyayari na kapag ako ang gumagamit ng presyur kuker, e ayaw umikot at sumingasing yung maliit na metal na ipinapatong. Ganun na naman ang drama nito kanina. Tumatakas tuloy sa mga gilid-gilid yung sabaw ng pinalalambot kong neytiv na manok. Antimano'y para sa almusal dapat yun.

Hindi ako bumangon agad pagkagising ko ng mga bago mag-alas-7. Dinukwang ko ang kagabi'y binabasa kong Relacion de las Islas Filipinas ni Padre Chirino. Nandun na ako sa tsapter na tumatalakay sa pagkukumbert sa kristiyanismo ng mga nitibo sa Mindanao. Nandun na ako sa sulat ng isang pari tungkol sa mahimalang pagpapabautismo ng astig at pasaway na mohamedang si Silongan.

Bumukas ang pinto ng kuwarto at sumungaw si Love. Alas-9 raw ang dating nina Papang. Sa bahay raw mag-aalmusal. Napilitan akong bitiwan muna si Chirino at bumangon. Usapan na namin ni misis na pagdating na lang nina Papang namin iluluto ang tinolang neytiv na manok. Bago pa man ako tawagin ni Love ay nailabas na niya ang manok sa freezer at pinaaagasan na niya ito sa lababo. Sa sala ako dumiretso at nanood muna ng tv. Palipat-lipat sa Unang Hirit at Umagang Kayganda. Antimano, noong mga oras na iyon ay pinatungan ang Umagang Kayganda ng lokal na palabas ng regional network ng ABS sa Cagayan de Oro. Pamahaw(Almusal) Espesyal ang taytol ng morning show. Ang guest ng show ay taga-SM Cagayan...nag-iimbita sa 3-day sale nila. Fiesta na kasi sa CDO sa Aug. 28. Ginagarantiyahan nito ang mga tao sa City of Golden Friendship na ligtas mamili sa tindahan ni Henry Sy. Dinoble na rin nila ang seguridad sa loob at labas ng mall(nilang baka masawi).

Mahigit 80 mi;ya ang layo ng CDO dito sa Iligan City. Mga 1 at kalahating oras sa bus. Saka wala akong pangsyaping. At sa mga ganitong panahon, iyang luho ay kailangang isuksok sa pinakadulo ng utak...Hihirit pa sana ng litanya ang guest ng mga nakalinya nilang events. Kinlik ko ang remote control.

Me kausap si Arnold Clavio. Tungkol sa kung dapat bang ituloy ang negosasyon ng gobyerno sa MILF. Tumayo na ako sa sofa para tingnan kung humulas na ang nagyelong manok. Kailangang mapasarap ko ang tinola. Bagama't hindi ako sigurado kung maiibsan nito ang naiisip kong lungkot ngayon ni Papang. Nung lunes kasi, Agosto 18, alas-4 ng madaling araw, ginising sila ng mga ratatat ng baril ng humigit kumulang 300 demonyito ng demonyong si Kumander Bravo.

(itutuloy...)
gvgervacio

Tuesday, August 12, 2008

Ultraguhit:The Book Launching of Khavn

ilo-launch na ni khavn ang libro niyang ultraviolins sa conspiracy sa aug 19, tuesday, 7-9 pm. syempre pa, kailangan tayong pumunta bilang suporta sa kapwa-pasaway, at gustong gamitin na rin ni ser jun ang event na yun para maipakilala formally in public ang pasaway. iyon na rin siguro ang official meeting/inuman natin for august--maganda nga kasing nakakapagkita-kita tayo kahit once a month para may bonding din he he. game? khavn, ano bang ilalagay ko sa program? may mga inaasahan ka bang magbabasa at magpeperform sa launch mo? sabihin mo na lang sa akin o email mo dito para maisali natin sa program. paano rin ang host?


at sa usapin ng pagiging 13 natin-- hinahabol ba tayo ni hudas bilang isa sa mga nuknukang pasaway?